Ang Iba ko Pang Mga Blog...Basa Na!!!

breadwinner, sexy Filipina blog world buzz today budget shopping ads food station, food trips my photo blog multiply-small friendster blog first blog

Friday, May 29, 2009

Magulo ang Mundo ni Salvacion

Masakit ang naging kaganapan noong gabi ng Mayo 27. Dahil ito sa pangyayari noong gabi ng Mayo 26. Galit na galit si Salvacion kay Pepe. Binigo nito ang mataas na ekspektasyon nito sa lalaki. Hindi akalain ni Salvacion na magagawa sa kanya ni Pepe ang ganoon. Naging mabuti naman syang asawa dito.

Araw-araw na ginawa ng Diyos, maagang gumigising si Salvacion upang maipaghanda ng almusal ang asawang si Pepe. Matapos mag-init ng kape at magsangag ng kanin, kanya namang ihahanda ang damit na isusuot ni Pepe sa construction site na pinagtatrabahuhan nito.

Noon araw ng Mayo 26, wala pang alas-sais ng gabi ay nakauwi na ng bahay si Pepe. Wala doon ang asawa nya ngunit may nakahanda na itong hapunan sa mesa. Nakatakip lang ito ng isang mabigat na kaserola upang hindi kainin ng pusa.

Matapos magpalit ng damit, itinext ni Pepe si Salvacion gamit ang lumang Nokia 3310 upang sabihing nasa bahay na sya. Naglaro pa ito ng snake upang maaliw dahil ang sira nilang TV ay di pa rin naipapagawa. Nang mapagod sa kakalaro ng snake na lagi namang nauumpog sa dingding, inihinto na nya ang paglalaro at naisipang kumain. Nang biglang dumating si Inday na kapitbahay nila. Nakita nito mula sa bintana ang kasiyahan sa mukha ni Pepe habang kumakain kaya't bigla itong pumasok sa bahay nila Pepe. Malugod namang tinanggap ni Pepe ang babae. Inalok nya itong kumain ng hapunan.

Sarap na sarap sa pagkain ang dalawa. Nang matapos, umuwi na rin si Inday. Inihatid ito ni Pepe sa pinto. Naging masaya si Pepe sa hapunan nya at sa kwentuhan nila ni Inday. Nakatulog ito ng mahimbing pagkatapos mailigpit ang pinagkainan sa kusina. Nakalimutan na nito ang asawang si Salvacion.

Kinabukasan, galit na galit si Salvacion at inaway si Pepe. Hindi malaman ni Pepe ang gagawin. Bagamat inamin nito ang kasalanan, ayaw pa rin syang patawarin ng asawa. Nangako si Pepeng di na uulitin ang ginawa. Ayaw namang maniwala ni Salvacion. Gusto nyang patayin si Pepe ng mga sandaling iyon, dangan nga lamang at takot syang makulong.

Naubos nina Pepe at Inday ang ulam at hindi tinirhan si Salvacion. Kaya naman pala ito nagalit ng matindi. Paborito pa naman nito ang piniritong tawilis, itlog na pula at kamatis na ulam nila ng gabi ng Mayo 26.

Tuesday, April 28, 2009

Masugid sa Paglalaro ng Badminton

Iyan ang maaari mong itawag sa akin ngayon. Sa loob ng isang linggo, tatlo hanggang apat na beses mo akong makikitang naglalaro ng badminton. Gusto ko kasing matutunang mabuti ang larong ito. Isa pa, bukod sa masaya itong laruin, malaki rin ang naitutulong nito sa pagbabawas ng aking timbang.

Kasama ko sa paglalaro ng badminton si Edwin at ang aking mga kaopisina't mga kaibigan. Nakakatuwa dahil parang nagiging bonding time na rin namin ang paglalaro ng badminton. Sana nga ay magpatuloy ang pagiging masugid naming manlalaro ng badminton upang maging malusog at masigla ang aming katawan. Gayundin, matuto kaming disiplinahin ang aming sarili at maging matalas lalo ang mga mata at isipan.

Naglalaro ka rin ba ng badminton?

Tuesday, March 24, 2009

Magkikita na Ulit Kami

Mamayang gabi na ang uwi ng aking ama mula sa Negros. Sasamahan sya ng aking ina patungo sa airport. Darating sya upang ihatid sa graduation ceremony ang aking kapatid na magtatapos sa kolehiyo sa darating na Biyernes. Masaya ako ngayon dahil malapit ko na ulit makita ang aking ama.

Ramdam na ramdam ko ang excitement na uuwi na sya at maski sandaling panahon ay magkakasama kami. Kung marami lang akong pera, siguro'y pinauwi ko rin ang aking ina, gayundin ang isa ko pang kapatid na kasama nila sa probinsya. Pero dahil may sinusunod akong budget at abu't abot ang gastos namin sa buwang ito, hindi ko ito nagawa. Naunawaan naman ako ng dalawa. Konting panahon na lang naman at magkakasama sama na rin kami. Kaming buong pamilya. Sa iisang bubong. Malapit na rin iyon.

Nagagalak ako dahil hindi ko halos namalayan ang panahon. Nakapagpatapos na pala ko ng isang kapatid. Ilang buwan pa at makakapagtrabaho na rin ito. May awa ang Diyos. Pag nagkataon, dalawa na kaming magkatulong na bubuhay sa aming pamilya. Masaya nga talaga ito.

Mamaya, sama-sama kaming maghahapunan ng dalawa kong kapatid at ng aming ama. Magkukuwentuhan kami ng matagal. Magtatawanan at magbabalitaan. Matutulog kaming lahat sa masikip naming boarding house na may ngiti sa labi.

Masaya ang buhay. Masaya talaga. Hindi ko na iisipin na mauubos ang pera ko ngayong buwan. Na kakapusin ako sa susunod na buwan dahil sa maraming magiging ekstrang gastos. Magtatrabaho na lang ako ng mahusay. Magsisipag ako ng doble. Lahat naman ay nakukuha sa tiyaga.

Ang higit na mahalaga, magkikita na ulit kami ng aming ama. At walang kapalit iyon.

Tuesday, February 17, 2009

Nagwithdraw ako sa Paypal sa Unang Pagkakataon, Ang Saya!

Tama, ito nga ang unang pagkakataon na nagwithdraw ako ng pera sa Paypal account ko. Madali lang pala. Lalo na ngayong pwede ko na gamitin ang local bank account ko sa pagwithdraw. Kailangan lang ay mag-add ka ng bank account at alamin ang code ng bangko mo na galing sa Paypal. Curious ka bang malaman kung paano ko ito ginawa? Heto, basahin mo dito ang kumpletong detalye.

Masarap palang kumita ng pera mula sa internet. Maski hindi pa ako big time pagdating sa blog monetizing, masaya pa rin kasi kahit paano may kinikita ako. Sana sa taong ito, mas malaki pa ang kitain ko. Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Sipag at tiyaga lang ang katapat nito, sabi nga ng isang blogger na kilala ko.

Thursday, January 15, 2009

Mga Araw na Walang Pasok (Holidays) Ngayong 2009

Kumpara sa nakaraang taon, mas konti ang mga araw na walang pasok ngayong 2009. Kung meron kayong balak na magbakasyon, mas maige ang magplano ng maaga gamit ang listahan ng declared holidays na idineklara ng Malacañang para sa taong ito. Basta ako, wala pa akong planong magbakasyon sa ngayon.

Ang totoo, ang mas pinag-uukulan ko ng pansin ay kung paano kumita at makapag-impok ng mas maraming salapi ngayong taon. Nararamdaman ko marami akong magiging gastos kaya dapat lang na maghanda ako kundi, ako rin ang mamomroblema. Sanay na ako, at alam kong kakayanin ko ito.

Sabi nga ng mga Koreano, Aja! :)

Wednesday, January 7, 2009

Bagong Taon, Bagong Pag-asa

Nagsimula na ang 2009 na sinasabing taon ng baka. Wala pa akong nababasa maski ano tungkol sa magiging kapalaran ko daw ngayong taon pero di naman ako nababahala. Una, alam kong Diyos lamang ang makapagtatakda ng mangyayari sa buhay ko ngayon taon at sa mga susunod pa. Basta ang alam ko, hatid ng bagong taon ay bagong pag-asa.

Hindi ako nasanay gumawa ng New Year's resolutions kaya naman wala akong nararamdamang pressure kapag nagpapalit ang taon. Para sa akin, ang mga tao ay dapat kumilos base sa takbo ng utak nila sa tamang pagkakataon. O kaya naman, base sa itinitibok ng puso nila at idinidikta ng konsensya. Kaya wala akong resolusyon na matatawag.

Sa pagsapit ng 2009, hangad ko na lalo pang bumuti ang pamumuhay ng pamilya ko. Nais ko rin na simulan ang ilang maliliit na proyektong alam kong magiging makabuluhan para sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Kailngan ko magsipag at magtrabaho ng maige para magawa ko ang mga ito. Gabayan nawa ako ng Diyos. Ganundin sana ikaw. Nawa'y magawa mo ang mga bagay na gusto mong gawin ng malaya at may kapayapaan. Hangad ko ang iyong tagumpay kung papaanong gusto ko ring maging matagumpay sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay ngayong taon.

O sige, late man ang pagbati ko...happy New Year pa rin! :)


Thursday, November 6, 2008

Internet Connection

‘Di kumpleto ang aking buhay
‘Pag walang internet ako’y matamlay
Trabaho sa opisina’y laging sablay
‘Pag walang internet na gumagabay

Pagbukas pa lamang ng aking computer
Koneksyon na agad ang minamaster
Sinisiguradong konektado sa network
Upang internet ay magamit sa work

Internet, parte na ng buhay
Kung wala nito, ‘di maikakampay
Ang mga pakpak na gustong lumipad
Abutin ang pangarap, sa malayo mapadpad

Salamat sa teknolohiya
Ang internet abot-kamay na
Ang mga tao’y naging konektado
Dahil sa internet, masaya tayo

Kaalaman at talino’y naibabahagi
Internet ang siyang naging susi
Kaya’t kung walang koneksyon, ayusin agad natin
Pagpapatuloy ng internet, lagi dapat isipin

Masaya na naman, internet gumana na!
Ang natutulog kong diwa, ngayon ay gising na
Internet ang nagpapasigla ng damdamin
At nagbibigay buhay sa mundong malungkutin

Internet, oh internet…kailngan kita
Koneksyon, oh koneksyon…wag ka nang magloko pa
Araw ay di kumpleto, buhay ay di masaya
Kung walang internet, kaibigan nasaan ka?

Tuesday, November 4, 2008

Kanin ang Salarin

kanin, lutong kanin, kalusugan, wastong timbang

Ewan ko pero nitong mga nakakaraang araw, bigla na lang akong nain-love ng todo sa kanin. Dati, ang bigat ko ay 118 lbs., ngayon nasa 126 na ako. Okey pa sana ang 126 lbs. sa taas kong limang talampakan at apat na pulgada, kaso nga lang, mabigat na ang pakiramdam ko at nananambok na ang mga pisngi ko sa litrato. Akalain mong nangyari ang transpormasyong iyan sa loob lamang ng isang buwan at tatlong araw!

Kaya naman parang nagmumuni-muni ako ngayon. Alam kong dapat na akong kumilos dahil seryosong bagay na ito. Ayokong maging isang balyena. Pakundangan sa mga balyena pero wala akong masamang iniisip sa inyo. Ang sa akin lang eh ayokong bumigat ng bumigat. Baka kasi bumigay ang kalusugan ko. Ayokong namang mangyari yon.

Kaya mula ngayon, sisikapin kong magbawas ng kain ng kanin. Bakit naman kasi parang bigla kong na-miss ang pagkaing ito. Sa lahat naman ng pagkain ay bakit kanin pa. Tunay kasing ang lakas nitong magpataba. Kung hindi ko maaagapan ito, baka lumobo pa ako. Huwag naman sana.

Natatandaan ko pa, nabawasan ang timbang ko dahil binawasan ko ang konsumo ko ng kanin. Maraming nakapansin nang lumiit ang katawan ko. Inulan ako ng papuri mula sa mga kaibigan at maging sa mga estranghero. Nadagdagan din ang kumpiyansa ko sa sarili. Ang sarap ng pakiramdam ko noon. Pero eto nga, dumating ang panahon na ginanahan ulit akong kumain ng kanin at biglang tumaas na naman ang timbang ko. At ito ay dahil sa kaning ginawa ko ng agahan, meryenda, tanghalian at hapunan. Haaaaay, tunay nga naman...kanin ang salarin.

Pinanggalingan ng Litrato: http://www.nsknet.or.jp

Friday, October 24, 2008

Night Swimming

pool

Malapit na mag alas-singko ng hapon. Malapit na kaming umalis. Ngayong gabi, kasama ng aking mga kaopisina at dalawa kong kapatid (oo, lagi akong nagsasama ng kapatid o kaibigan sa mga office outing), sasawsaw kami sa maligamgam na tubig ng Agua Caliente sa Pansol, Laguna. Bale pa-birthday blowout namin ito ng dalawa ko pang kaopisina (tama ka, October celebrants kaming tatlo).

Sagot naming tatlo ang pagkain pero kanya-kanyang-bayad (KKB) kami sa entrance fee at iba pang gastusin. Mapalad kami dahil sinagot ng isang boss namin ang sasakyan namin. Naka-van kami, sosyal diba? Salamat talaga sa kanya dahil sobrang galante nya.

Matagal-tagal na rin ng huli akong tumungo ng Laguna. Bigla ko tuloy naalala ang tiyahin kong maysakit na taga Sta. Rosa. Ang pagkakatanda ko, noong nakaraang Pasko pa ang huling dalaw ko sa kanya. Di bale, malapit na namang magPasko ulit kaya pihadong magkikita na naman kami.

Sige kaibigan, tatawagan ko pa ang mga kapatid ko para ipag-empake ako ng mga gamit ko. Excited na ako dahil hot spring ang liliguan namin. Bukod doon, marami rin kaming baong pagkain. Tataba na naman ako. Lol. Tiyak na masaya ang gabing ito! :)

Thursday, October 23, 2008

Isang Bukas na Liham Para kay Buraot

Mahal kong Buraot,

Nabalitaan ko na mamimigay ka ng sandamakmak na kaperahan bago matapos ang taong ito sa pamamagitan ng isang pakontes para sa mga kagaya mong taga-Timbuktu. Di man ako taga Timbuktu pero gusto ko ring magkapera. Pasensya na, tao lang ako na marunong mangarap kumain sa Jollibee kasama ng aking mga binubuhay na kapamilya at kapuso.

Napatulo kasi ang luha ko sa sinulat mong ito. Hindi dahil may buntot ka sa harap o kamukha ka ng isang ninuno ko kundi dahil dito ko higit na nalaman kung sino ka, san ka nagmula at kung may kinabukasan bang naghihintay sayo at sa mga kagaya mo. Tulad mo kasi, nakaranas rin ako ng panlilibak mula sa mga tao sa paligid ko lalo na noong kami ay sa bundok pa naninirahan. Madalas kasi ay tinutukso nila ako ng ______. Ay, ayoko na palang ikwento dito iyon, dahil tapos na iyon at ako'y nakapagmove on na, ika nga. Basta, masakit iyon at kapag naaalala ko, di ko pa rin mapagilang maiyak sa kakatawa. "They're such a loser" kasi.

Mabalik tayo sa pakontes mo. Alam mo kasi Buraot, matanda na ang aking mga magulang. Ako na lamang din ang inaasahan sa amin. Kaya nga siguro ang titulo ng personal kong blog ay swak na swak talaga sa sitwasyon ko ngayon. Hindi ito ang blog na iyon kung iyan ang inisiip mo. Isa lamang ito sa mga blog na pinaglalaruan ko kapag inaatake ako ng sakit ko -- ang magsulat upang ilabas ang aking damdamin, gamit ang makalumang kaisipan at salita.

Hindi ko na pakahahabaan pa ang liham kong ito. Marami pa akong gagawin upang may maipantawid-gutom ang pamilya ko. Basta, umaasa akong hindi mo ako bibiguin. Hindi dahil nasiyahan ka sa sulat ko kundi dahil naaawa ka sa akin at gusto mo akong matulungan. Alam kong mababait ang mga taga-Timbuktu. Pagpalain ka nawa ng Bathala nyo at harinawa nga'y tubuan ka ng buntot sa likod para naman magkatotoo na ang matagal ng hiling ng mga nanlilibak sa iyo mula noon at magpa sa hanggang ngayon.

Mabuhay ka at maraming salamat sa oras mo.

Nagmamahal,

Edelweiza a.k.a. Reyna ng Tralala


Paunawa sa Makakabasa: Ang bukas na liham na nabasa nyo ngayon lang (oo ngayon lang, hindi kanina o nung isang araw o nung isang taon) ay ipinasok ko sa pakontes ni Buraot na makikita dito sa makabagong adres na ito http://www.anaknikulapo.com. Wala kayong kailangang gawin kundi bolahin si Buraot o kaya naman libakin sya upang mapansin nya ang isinali nyong katha. Mamili lamang ng isang katha nya na nagustuhan nyo o nakapagpatulo sa laway nyo dahil sa inggit o galit o pareho. I-link nyo lang ang katha na iyon gayundin ang blog nya sa katha nyo. Simple lang hindi ba? Pero kung di ka makaintindi, wag ka na lang sumali.

Malaki ang papremyo at kung wala kayong sinasanto kundi dollar sign, eto na ang pagkakaton nyo. Basta pag nanalo kayo, balatuhan nyo ko dahil sa akin nyo nalaman ang pakontes na ito. Okey ba yun? Sige na, ba-bye...Mga istorbo! :)

Ads

pacquiao vs cotto 24/7 episode 2 3 4 video Haagen Dazs Robinsons Place Manila